AKSIDENTE SA MRT | 24-anyos, naputulan ng braso sa Ayala station

1 week ago

MAKATI, Philippines – Naputulan ng braso ang isang babae sa MRT-3 Ayala station.

Ayon kay Department of Transportation Usec. Cesar Chavez, nahilo raw ang 24-anyos na si Angeline Fernando kaya nahulog sa pagitan ng coupler o ‘yung nagdudugtong sa mga bagon ng tren.

Sinabi ni MRT Director for Operations Mike Capati sa press briefing kanina na pasakay sana ng tren si Angeline dakong 2:30 ng hapon nang mangyari ang insidente.

“Nakita ng ating security guard ang ating subject passenger na medyo susuray-suray palakad sa ating platform. Siya ay aksidenteng nahulog sa northbound track, between sa ikalawa at ikatlong bagon,” sabi ni Capati.

“It’s really an accident, very unfortunate na nangayri. Mayroon pang guard na pinilit siyang hablutin kaya lang talagang bumagsak siya.  Nataon na sa maliit na siwang pa,” dagdag pa niya.

Ayon pa kay Capati, saktong isang doctor ang kasabay na pasahero ng biktima na tinulungan siyang makaakyat sa platform at tinalian ang braso.

Ikinuwento ng isa sa sa mga nakasaksi ang nanyari sa kanyang Facebook post.

“I was surprised na may babae sa riles trying to go up. Nakakalungkot MRT personnel are not at all equipped to help people when there is an emergency,” sabi ni Celia Eya Castillo.

mrt_ayala
mrt-ayala-accident
(Photo courtesy: Celia Eya Castillo)

“I had to tell the guards, please get a medic, call an ambulance. Lahat natataranta. No staff had the courage to take the arm from the riles.” Dagdag pa ni Castillo.

Paalala pa niya sa mga kapwa commuter, “Fellow MRT passengers, please pag magsasara na ang pinto ng tren wag na po tayo humabol. And keep a safe distance from the moving train or the rail.”

Agad namang nadala ang pasahero sa Makati Medical Center. Kasalukuyan nang iniimbestigahan ng Makati Police ang insidente.

Siniguro naman ng pamunuan ng MRT na tutulungan nila ang naaksidente.

“Kami ay nalulungkot sa ganitong insidente.  Makakaasa ang pamilya ng pasahero natin na ang buong pamunuan ng MRT-3 ay gagawa ng paraan para tumulong sa kanila,” sabi ni Capati.