BARANGAY & SK ELECTIONS 2018 | DILG, sisiguruhing mapayapa at maayos ang halalan; PNP, lalong mahihigpit para sa seguridad

4 months ago

MANILA, Philippines (April 15, 2018) – Tinitiyak ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na magiging maayos at mapayapa ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) 2018. Ito ay bilang tugon sa mga pangamba sa seguridad ng paparating na halalang pambarangay.

1-election3

Sinabi ni DILG Assistant Secretary Jonathan Malaya sa isang press conference na inaasahang mas magiging maayos at mapayapa ang paparating na BSKE 2018 kumpara sa mga nakalipas na eleksyong pambarangay.

“Sa tingin po namin ay mas magiging mapayapa itong BSKE sapagkat pababa din nang pababa ang trend at bilang mga election-related violent incidents (ERVI) mula 2010, 2013 at hanggang sa mga panahong ito,” sabi ni Malaya.

Paliwanag pa niya, noong nakaraang 2013 BSKE, mayroon lang 57 na naiulat na ERVI at karamihan dito ay naganap sa Mindanao.

Dagdag pa niya, noong halalan 2010, 98 ang naiulat na karahasan na may kaugnayan sa eleksyon.

“Ito ay nagpapakita lamang nang malinaw na  pagbaba ng trend ng ERVI mula na rin sa  datos mula sa mga nakaraang halalang pambarangay,” sabi ni Malaya.

1-election2

Ayon pa sa kanya, ang paparating na halalan ay malaki ang kaibahan sa mga nakaraang eleksyong pambarangay. Ihinalimbawa niya ang Mindanao kung saan kasalukuyang umiiral ang Martial Law na nangangailangan ng mas mahigpit na pagbabantay ng mga pulis.

“Nasa ilalim ng Martial Law ang Mindanao, kaya inaasahan kong mas maraming pulis, militar at security forces na ipapakalat sa Mindanao kaya naman hindi magiging mas matindi ang karahasan ang eleksyon katulad ng mga nakararaan,” pahayag ni Malaya.

Nabanggit ni Malaya ang pagbaba ng kriminalidad sa bansa, ang muling binuhay na usapang pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at rebeldeng Komunista, at ang nakaambang pagpasa ng Bangsamoro Basic  Law ay malaki raw ang maitutulong para mapayapa at maayos na BSKE 2018.

“Kalimitan, ang presenya ng mga lawless elements tulad ng mga armadong grupo ang nagdudulot ng madugong halalan ngunit kung nakahanda ang lahat ng puwersang pangseguridad, na inaasahan naman nating mangyayari, tiwala kami na ang pagbaba ng ERVI ay magpapatuloy,” sabi ni Malaya.

Samantala, naglabas ang PNP ng guidelines para sa SAFE 2018 o Secure and Fair Synchronized BSKE 2018 na magbibigay ng komprehensibong seguridad para sa halalang pambarangay katuwang ang Comelec, Armed Forces of the Philippines at iba pang ahensiya ng pamahalaan.

Sa ilalim ng nabanggit na guidelines, lahat ng unit ng Philippines National Police ay nakaalerto sa buong panahon ng halalan at titiyakin ang pagsunod ng mga pinuno ng mga barangay sa mga batas bago maghalalan, sa aktuwal na halalan at matapos ang araw ng halalan; pagaganahin ang mga polisiya para sa maayos at mapayapang halalan; at ipalalaganap ang pagiging maalam na botante at ang aktibong pakikilahok ng mga mamamayan sa eleksyon upang kontrahin ang pagbili ng boto at ERVI.