BAWAL KA RITO | Trillanes, idineklarang persona non grata sa Davao City

1 week ago

February 13, 2018 – Idineklara ng Davao City Council si Senator Antonio Trillanes IV bilang persona non grata. Hiniling ito ni Davao City Vice Mayor Bernard Al-ag sa konseho kasunod ng pagharap ng senador sa isang forum sa Chicago, USA kung saan siniraan umano ni Trillanes ang Davao City.

Sa kanyang privilege speech sa lungsod kanina, sinabi ni Al-ag na inilarawan ni Trillanes ang Davao City bilang isang mapanganib na lugar.

“Mr. Trillanes went to the United States of America just to portray Davao City as a dangerous place – a place full of criminals, a city of murderers [and] a city of rapists,” sabi ni Al-ag.

Dagdag pa ng bise alkalde, sinabi rin daw ni Trillanes na ang mga Davaoeño ay “na-brainwash ni Duterte, parang mga North Koreans by believing that Davao City is the safest city in the world.”

fake-news

VIA NEWS5’S GEM AVANCEÑA | Bahagi ng privilege speech ni Davao City Vice Mayor Bernard Al-ag.

Naging basehan daw ni Trillanes ay isang PNP 2015 report.

Pero tinabla ito ni Al-ag at sinabing noong 2011 at 2015, pinarangalan ng Department of Interior and Local Government ang syudad ng Seal of Good Local Governance. At isa raw sa mga pamantayan sa pagpili ng gagawaran ng nasabing parangal ay ang peace and order sa lugar.

“Let us remember that the PNP is under the jurisdiction of DILG. So sino ba ang paniniwalaan natin: ang fake news ni Mr. Trillanes o ang DILG?,” tanong ni Al-ag.

fake-news-2

VIA NEWS5’S GEM AVANCEÑA | Bahagi ng privilege speech ni Davao City Vice Mayor Bernard Al-ag.

Paniwala ni Al-ag, sinisira ni Trillanes ang Davao City at ang mga Davaoeño, gaya ng kung paano niya sinira noon ang Metro Manila.

“Your action destroys a community. Let us not forget how he destroyed Oakwood Hotel in 2003 and The Manila Peninsula in 2007,” sabi ng bise alkalde.

Idiniin pa ni Al-ag na hindi magtatagumpay si Trillanes sa paninira nito sa Davao City, sa mga Davaoeño at maging kay President Rodrigo Duterte.

Kasunod nito, inihayag ng opisyal na hindi tanggap sa kanilang siyudad si Trillanes.

“Mr. Trillanes, we do not need you here in Davao City. You are unwelcome and unwanted in our city of Davao. You have not done anything good at all to our city,” dagdag pa ni Al-ag.

fake-news-3

VIA NEWS5’S GEM AVANCEÑA | Bahagi ng privilege speech ni Davao City Vice Mayor Bernard Al-ag.

Nanindigan tungkol sa Davao City

Ipinagkibit-balikat lang ni Trillanes ang pagdedeklara sa kanya bilang persona non grata sa Davao City. Kasabay nito, nanindigan siya sa mga sinabi niya tungkol sa lungsod.

“The truth, definitely, hurts. My statement was based on the December 2015 statistics of the PNP that Davao has the highest incidence of murder and second highest in rape,” sabi ni Trillanes sa isang pahayag.

“The people of Davao either know it but tolerate it out of fear or they’ve actually believed the lie that was fed to them that Davao City is the safest city in the world,” dagdag pa ng senador.