BYE, KARAOKE | Paggamit ng videoke lagpas 10PM sa residential areas, balak ipagbawal

1 month ago

MARCH 13, 2018 – Dinidinig na ng Committee on Public Order and Safety ang House Bill 1035 na naglalayong ipagbawal ang paggamit ng videoke at iba pang itinuturing na environmental noise sa mga residential area.

Ayon sa may author ng panukala na si Quezon Rep. Angelina Tan, madalas na nagkakaroon ng gulo at minsan ay nauuwi pa sa patayan dahil sa karaoke.

Base sa panukala, ipagbabawal ang karaoke at iba pang maiingay na gawain mula 10PM hanggang 7AM.

Ang sinumang lalabag ay pagmumultahin ng P1,000 at maaaring makulong ng hanggang anim na buwan.

Bukod daw kasi sa nakakaperwisyo sa mga residente, masama rin daw sa kalusugan ang malakas na ingay. Nakakapagdudulot ng paghina ng pagdinig ang anumang malakas na tunog. Nagiging dahilan din sa kakulangan sa oras ng tulog, nakaapekto rin daw sa mental performance at learning development sa mga bata. Nagpapataas din daw ito ng blood pressure, stress level at nakaapekto rin sa mga buntis.

Ipinanukala naman ni Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves Jr.na dapat magtakda ng decibel level measurement dahil ‘di naman daw pwede ipagbawal ang karaoke lalo kung sa loob naman ng bahay ito gagawin.

Bukas naman daw si Tan sa mga suhestiyon at palawakin ang sakop ng panukala at isama ang iba pang pinagmumulan ng noise pollution maliban sa karaoke.

Ilan pa sa mga nakapaloob na sa panukalang batas ay ang mga ingay mula sa radio, CD players, TV at mga loudspeakers.

Bumuo na ng technical working group ang komite para sa panukala.