DENGUE VACCINE DEAL | Ejercito: FPNOY, dapat ipaliwanag ang pakikipagpulong niya noon sa Sanofi Pasteur

6 days ago

Hinimok ni Senator JV Ejercito si former President Noynoy Aquino na magsalita kaugnay ng pakikipag-usap niya noon sa kumpanyang Sanofi Pasteur na siyang gumawa ng dengue vaccine na Dengvaxia.

Ayon kay Ejercito, higit sa banta sa kalusugan ng nasabing bakuna ay kailangang tingnan ang sinasabing iregularidad sa kasunduan ng gobyerno sa Sanofi Pasteur. Lalo’t iniulat ng ilang news agencies na dalawang beses na nakipagpulong si Aquino sa mga opisyal ng kumpanya bago naisara ang deal: isa sa France at isa sa China.

ejercito

VIA MAEANNE LOS BAÑOS | Sen. JV Ejercito sa kanyang presscon kanina. Isa sa mga tinalakay niya ay ang sinasabing pulong ni dating Pangulong Noynoy Aquino sa mga opisyal ng Sanofi Pasteur.

“Hindi naman sa pinagbibintangan natin siya. Pero siyempre, mainit ang isyu at hindi maiiwasang pag-isipan na bakit before the procurement, bakit nagkaroon ng dalawang meeting,” paliwanag ni Ejercito sa media kanina.

“Baka naman coincidence; pero ang maganda, siya na lang ang mag-explain kung bakit nagkaroon ng ganoong meeting.”

Itinakda sa Lunes ang joint hearing ng Senate Blue Ribbon Committee at Senate Committee on Health and Demography kaugnay ng kontrobersiya. Wala pang abiso kung ipatatawag si Aquino sa pagdinig. Pero para kay Ejercito, mas mainam na magpaliwanag nang kusa sa publiko ang dating Pangulo.

“Not because we are being vindicative. We want to make sure that public officials use resources prudently,” dagdag pa ng senador.

Tiyempo ang dengue vaccination program ilang buwan bago ang 2016 Presidential Elections.