‘DI NAGING MATUNOG | Reklamong plunder laban kay Pres. Duterte sa Ombudsman, ibinasura na pala noong Nov. 2017

5 months ago

FEBRUARY  13, 2018 РPinagpapaliwanag ni Solicitor-General Jose Calida ang Office of the Ombudsman kaugnay ng matagal na palang pagbasura nito sa plunder complaint na isinampa ni Senator Antonio Trillanes IV laban kay President Rodrigo Duterte.

Ayon kay Calida, sinulatan niya noong nakaraang linggo ang Ombudsman para kumustahin ang itinatakbo ng imbestigasyon. At sa sagot ng Ombudsman sa sulat ni Calida, lumalabas na noong November 29, 2017 pa pala tinapos at isinara ng Ombudsman ang imbestigasyon sa nasabing reklamo.

“When the case is dismissed, closed and terminated means there is no evidence to support that complaint,” paliwanag ni Calida sa kanyang press conference.

Dahil sarado na ang imbestigasyon, idiniin ni Calida na wala nang saysay kung magsasagawa pa ng bukod na pagdinig ang Senado kaugnay ng isyu. Bagay na isinusulong ngayon ni Trillanes.

“The Senate should stop this investigation. They’re wasting their time because Trillanes’ evidence, as I said, is garbage,” paliwanag ni Calida.

Bagama’t maituturing itong magandang balita sa panig ng gobyerno, kinuwestyon ni Calida ang ‘di pagsasapubliko ng Ombudsman sa desisyon nito noong November.

“This case involves the President of the Philippines. Why did she [Ombudsman] withhold this information?” tanong ng Solgen.

“When this case was filed, a press conference was even conducted. Now, three months after the termination of this case, the public has still no knowledge that the evidence supporting the allegations of Senator Trillanes is without merit,” dagdag pa niya.

May 2016 nang isampa ni Trillanes ang plunder complaint laban kay Duterte na noo’y presidential front-runner at alkalde ng Davao City. Kaugnay ito ng sinasabing kwestyunable niyang yaman na nag-ugat umano sa pangungurakot sa local government.

Sa ngayon, nakabinbin sa Senado ang mosyon ni Trillanes para silipin ang yaman ng Pangulo at ng anak niyang si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.

“Stop fooling the people,” hirit ng Solgen kay Trillanes.