DISMAYADO | Labor groups, nabigo sa hindi pagpirma ni Duterte ng EO kontra ‘endo’

1 week ago

APRIL 16, 2018 – Kinundena ng labor groups ang pagkansela ni Pangulong Rodrigo Duterte na pirmahan ang executive order (EO) na wakasan ang kontraktuwalisasyon ngayong araw.

Nakatanggap umano ng abiso ang mga grupo na hindi tuloy ang paglagda nang wala raw ibinigay na anumang dahilan.

“We were surprised kasi nakatakda na ‘yung aming pag-uusap last week pa. Kami ay inabisuhan na. Nagpadala na kami ng mga labor leaders, ang mga pangalan ng aming labor leaders sa Malacanang kung sinu-sino ang dadalo. Wala hong binanggit na dahilan kung bakit pinostpone ang dialogue with the President,” sabi ni Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP) Spokesperson Alan Tanjusay.

“By deciding to cancel and opting not to sign the labor version of said EO, the President is actually pressing the stop button of the anti-endo momentum,” sabi ni Partido Manggagawa Chairman Renato Magtubo.

Paliwanag naman ng Palasyo, hindi raw kasama sa schedule ngayon ng pangulo ang sinasabing paglagda ng EO.  Bukod dito, wala pa rin daw malinaw o final na kasunduan ang gobyerno, labor groups at mga mambabatas.

“I can only surmise that the final version of the EO has not been agreed upon by both labor, management and government. It’s a tripartite document which has to be agreed upon. So, possibly they don’t have the final version yet,” sabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque.

roque
(FILE / Presidential Spokesperson Harry Roque)

Matatandaang nauna nang sinabi ng Malacañang na imposibleng wakasan ang kontraktuwalisasyon sa pamamagitan ng isang EO dahil hindi ito naaayon sa Labor Code.

READ ALSO: PANGAKO VS. ENDO, MALABO NA? | Total ban sa kontraktwalisasyon, imposible hangga’t hindi naaamyendahan ang batas – Palasyo

Kaya naman, isinusulong ng labor groups ang “direct hiring” kung hindi pa magagawan ng paraan ang total ban sa contractualization. May ilan din silang iminungkahing kondisyon sa EO kung sakaling kailangan ng project-based workers.

“Kung kailangan ng mga business owners, ng mga employers at ng mga kapitalista ng karagdagang mga manggagawa ay pinapahintulutan sila sa Executive Order na ito ngunit kinakailangan nilang kumuha ng permission mula sa Department of Labor and Employment at ng National Tripartite Industrial Peace Council,” sabi ni Tanjusay.

Isa sa mga pangunahing pangako ni Duterte sa kanyang kampanya noong 2016 elections na wakasan ang kontraktwalisasyon.

Wala pa mang eksaktong petsa kung kailan lalagdaan ng pangulo ang EO, tiniyak ng Malacañang, may maipatutupad na batas na pabor para sa mga manggagawang Pilipino.

“It will be an EO that will side with the labor forces… The president wants it as soon as possible. We all know that labor day is May 1 so I would think that it would come out on or before May 1,’ sabi ni Roque.