DRUG MULE? | P8.8-M na halaga ng cocaine pellets, nakuha mula sa isang Colombian sa NAIA-3

1 week ago

Higit isang kilong cocaine pellets na nagkakahalaga ng P8.8-M ang nabisto sa tiyan ng isang Colombian drug suspect na NAIA Terminal 3.

Ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency, naharang at naaresto sa airport noong November 12 ang suspek na si Alberto Pedraza Quijano matapos mag-tip ang US Homeland Security kaugnay ng pagpasok sa Pilipinas ng isang hinihinalang drug mule.

Agad isinalang sa profiling ang suspek. Dito na napansin ng mga otoridad ang kakaibang kundisyon ni Quijano.

colombian-drug-mule

VIA NEWS5’S GARY DE LEON | Colombian suspected drug mule na si Alberto Pedraza Quijano

“Noong makita ito ay parang balisang-balisa at pinagpapawisan na,” sabi ni Ismael Fajardo, Jr., Director III ng PDEA. “At siya ay dinala sa Pasay Hospital kung saan isinailalim sa isang x-ray procedure.”

Sa x-ray nadiskubre ang mga kontrabando sa tiyan ng suspek. Sa kabuuan, 79 na pirasong rubber pellets na naglalaman ng cocaine ang nakuha mula kay Quijano matapos siyang padumihin.

pellets

VIA NEWS5’S GARY DE LEON | Nakuhang rubber pellets na may lamang cocaine na nakuha mula sa tiyan ni Quijano

Ayon pa sa PDEA, galing Brazil si Quijano at bumiyahe papuntang Dubai bago tumulak papuntang Pilipinas. Natuklasan din na bago siya naharang noong Linggo ay tatlong beses na siyang nakapasok ng bansa.

“Mukhang kagalang-galang siya, kung titingnan niyo naman iyong kanyang kasuotan. Nakasuot pa siya ng ID,” sabi pa ni Fajardo. “Lumabas na i-check man iyong kanyang identity ay parang matinong tao siya.”

Kinumpiska rin ng mga otoridad ang mga cellphone ni Quijano para isailalim sa forensic investigation.

cellphones

VIA NEWS5’S GARY DE LEON | Nakumpiskang mga cellphone mula kay Quijano

Lalo’t nadiskubre ng mga otoridad na pagdating ng suspek sa Pilipinas ay maghihintay ito ng tawag mula sa kanyang mga kliyente.

Kada transaksyon daw ay kumikita siya ng $4,000 o higit-kumulang P200,000.