EXTENDED | Termino ni AFP Chief Guerrero, pinalawig ni Pres. Duterte

6 days ago

Pinalawig ni President Rodrigo Duterte ang termino ni Armed Forces of the Philippines Chief of Staff General Rey Leonardo Guerrero.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, itinakda ng Pangulo hanggang April 24, 2018 ang paninilbihan ni Guerrero bilang pinuno ng AFP.

Magreretiro na dapat sa December 17, 2017 si Guerrero, sakto sa kanyang ika-56 na kaarawan. Alinsunod ito sa Presidential Decree No. 1650 na nagtakda ng compulsory retirement age para mga opisyal at tauhan ng AFP.

Pero kalakip din ng batas ang pagbibigay ng kapangyarihan sa nakaupong Pangulo na palawigin ang termino ng isang opisyal o tauhan ng AFP kung nakikita ng Pangulo na kaya pa nitong maglingkod.

Kahapon, sa pagsalang ni Guerrero sa Commission on Appointments, isa sa mga tinalakay ay ang maikli niyang termino bilang AFP Chief of Staff.

guerrero

VIA NEWS5’S MAEANNE LOS BAÑOS | AFP Chief Gen. Rey Leonardo Guerrero sa pagsalang niya sa Commission on Appointments kahapon.

Sakali kasing hindi pinalawig ni Pres. Duterte ang kanyang termino, maninilbihan siya sa loob lang ng halos isa’t kalahating buwan.

Bagay na wala naman daw kaso kay Guerrero.