FREE EDUCATION | Libreng edukasyon sa kolehiyo, inaasahang maisabatas sa Agosto

3 months ago

MANILA, Philippines – Inaasahan ni Senator Bam Aquino na maisasabatas ang libreng edukasyon sa state universities and colleges (SUCs), local universities and colleges (LUCs) at tech-voc schools sa ikalima ng Agosto o mas maaga pa.

bam

Ayon kay Sen. Bam, naipadala na ang naratipikahang bersiyon sa Office of the President para sa pirma ni Pangulong Duterte noong July 5. Maliban na lang kung ito’y pirmahan nang maaga o i-veto ni Pangulong Duterte, awtomatiko itong magiging batas makalipas ang 30 araw o sa August 5.

“Mas maganda kung ito’y pipirmahan ng Pangulo nang maaga upang maibalita niya sa sambayanang Pilipino sa kanyang State of the Nation Address (SONA) sa ika-24 ng Hulyo,”  sabi ni Sen. Bam, ang principal sponsor at co-author ng bersiyon ng Senado sa kanyang panahon bilang chairman ng Committee on Education.

Bilang committee chairman, idinepensa ni Sen. Bam ang panukala sa mga debate at pagtatanong ng mga senador. Tumayo rin siya bilang co-chairman ng delegasyon ng Senado sa bicameral conference committee, kasama ang bagong Committee on Education chairman na si Sen. Francis Escudero, at mga miyembro ng panel na sina Sens. Sherwin Gatchalian at Ralph Recto.

Kapag naisabatas, sinabi ni Sen. Bam na nangako si Sen. Loren Legarda, chairman ng Finance Committee, na paglalaanan ito ng kaukulang pondo para epektibong maipatupad.

college

Dagdag pa ni Aquino, kapag ito ay naisabatas na, halos libre na ang pag-aaral sa SUCs, LUCs at vocational schools sa ilalim ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) dahil sagot na ng pamahalaan ang tuition, miscellaneous at iba pang bayarin.

Mabibigyan rin ng scholarship grants ang mga estudyante ng pampubliko at pribadong kolehiyo at unibersidad. Isa pang benepisyo ng panukala ay ang loan program, kung saan maaaring mangutang ang mga estudyante para sa ibang gastusin sa pag-aaral.

© 2017 TV5 NETWORK INC. ALL RIGHTS RESERVED.