GADON VS SERENO | Nilalaman ng impeachment complaint ni Gadon laban kay CJ Sereno

1 week ago

MANILA, Philippines – Lumusot sa Kamara ang impeachment complaint na isinampa ni Atty. Larry Gadon laban kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

In-endorso ng 25 mambabatas ang reklamong inihain ni Gadon.  Inakusahan niya ang punong mahistrado ng corruption, betrayal of public trust at culpable violation of the Constitution.

gadon-sereno

Ayon sa complaint, hindi nagdeklara nang tamang halaga sa kanyang statement of assets and liabilities si CJ Sereno.  Kumita raw siya ng $745,000 o P37 million mula sa PIATCO case na hindi niya isinama sa kanyang SALN.

Ginamit din umano ni Sereno ang pera ng taumbayan para bumili ang Korte Suprema ng 2017 Toyota Land Cruiser na nagkakahalaga ng P5 million.

Nagsasagawa rin daw ng mga meeting si Sereno sa mga 5-star hotel.  Nag-check in daw siya sa isang mamahaling kwarto Boracay na nagkakahalaga ng P200,000 isang gabi.

Minanipula rin umano ni Sereno ang mga shortlist na nominado para sa anim na bakanteng posisyon sa Sandiganbayan at dalawang bakante naman sa Korte Suprema.

Dinaya rin daw ni Sereno ang kanyang personal data sheet (PDS) nang mag-apply sa SC para pagandahin ang kanyang credentials.

Nag-hire rin daw ang punong mahistrado ng Information Technology consultant na may sobra-sobrang sahod nang walang public bidding.

Nag-appoint rin daw ng mga official si Sereno nang walang approval ng Court en banc na isang paglabag daw sa Constitution.

Nagbibigay rin daw siya sa mga bagong-pasok na empleyado ng mga travel abroad at mayroon pang travel allowance nang wala ring approval ng Court en banc.

Ilan lang ito sa nilalaman ng impeachment complaint ni Atty. Gadon kay CJ Sereno.

Kilalang kaalyado ni Pangulong Rodrigo Duterte si Gadon.  Siya rin ang media at PR adviser ni Cong. Gloria Macapagal-Arroyo at naging in-house counsel noong siya ang nakaupong pangulo.

Tumakbo rin si Gadon sa pagka-senador noong 2016 sa ilalim ng Kilusang Bagong Lipunan na itinatag pa noon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Matatandaang tumutol si Sereno sa pagpapalibing kay Marcos sa Libingan ng mga Bayani.

© 2017 TV5 NETWORK INC. ALL RIGHTS RESERVED.