IPINARE-REVIEW | Duterte to Aguirre: Pagnakawala ‘yan si Lim at Espinosa, siya ang ipapalit ko

5 months ago

MARCH 13, 2018 – Bumuo ng bagong investigation panel si Justice Secretary Vitaliano Aguirre II para muling balikan ang reklamo laban sa self-confessed drug lord na si Kerwin Espinosa, negosyanteng si Peter Lim at iba pang high profile drug personalities.

Ito ang kinumpirma ni Presidential Spokesperson Harry Roque. Base pa sa Facebook post ng Kalihim, napagsabihan ni Pangulong Rodrigo Duterte si Aguirre na siya ang ipapalit kina Lim at Espinosa sa kulungan kapag “nakawala” ang mga ito. Siya na rin daw ang mismong magre-review ng dismissal order.  Kinuwestiyon din ng pangulo kung bakit hindi gamitin ang pag-amin ni Espinosa sa Kongreso bilang ebidensya laban sa kanya.

Siniguro ni Roque na hindi pa final ang pagbasura ng DOJ prosecutors sa kaso laban sa kanila.

“We understand the sentiments and the frustration of the public over the dismissal… We will not allow a big fish to go away if there’s evidence to go after him,” sabi ni Roque.

“Hindi pa po tapos ang ‘boxing’ laban kay Peter Lim at dito kay Kerwin Espinosa. Rerepasuhin pa po ‘yan ng Kalihim ng Department of Justice,” dagdag pa niya.

Kahapon ay ibinasura ng DOJ prosecutors ang reklamo laban kina Lim, Espinosa, Peter Co at iba pa dahil mahina umano ang ebidensya laban sa kanila.  Hindi rin daw nakumbinsi ang mga proseucutors sa mga tumestigo kaya dinismiss ang kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.