‘KAILANGAN MAY MANAGOT’ | Giit ng ilang kongresista, dapat imbestigahan ang isyu ng Dengvaxia

6 days ago

MANILA, Philippines – Nanawagan ng imbestigasyon si Buhay Partylist Representative Lito Atienza para malaman kung sino ang may pagkukulang sa isyu ng dengue vaccines na Dengvaxia.

“May buhay na nasa panganib ngayon. Principle of accountability, a necessary element we have to have somebody accountable so that the government will learn from this. May pumalpak, kailangang may managot,” sabi ni Atienza.

dengvaxia

Dapat din daw alamin sa isasagawang imbestigasyon kung bakit hindi agad na inilabas ng House Committee on Health ang kanilang naunang report ukol dito.

“Commitee on Health should also be made liable.  We need to ask them in a formal hearing why did you make it a confidential report. Lalong lumalalim ang tanong naming,” dagdag pa ni Atienza.

Una nang nagrekomenda ang Health Committee sa Kamara na itigil ang anti-dengue immunization program.

Matapos ang huling hearing noong December 2016, bumuo ng draft report ang kumite pero hindi naisapinal ito.  Hindi naisalang sa plenaryo dahil inilipat sa Good Government and Public Accountability Committee ang imbestigasyon.

Giit naman ni Bayan Muna Partylist Representative Carlos Zarate, bakit itinuloy-tuloy pa rin ang pagbili ng Dengvaxia. Kahit na may babala na, pinabilis pa ang pagbili ng vaccines.

rep-zarate

Kailangan daw na mag-demand ang gobyerno ng pondo mula sa manufacturer na Sanofi Pasteur para sa 700,000 na nabakunahan.

Depensa naman ni Caloocan Rep. Edgar Erice na miyembro ng Partido Liberal, dapat daw munang bigyan ng solusyon ang problema sa dengue sa halip na maghanap ng kakasuhan o sisisihin.

“Sa halip na bigyan ng solusyon ang problem sa dengue, naghahanap ng kakasuhan at sisihin.  Una, anong gagawin sa 700,000 batang nabakunahan na? Ano gagawin ng gobyerno para makapag-usap nang maayos  sa Sanofi Pasteur?” sabi ni Erice.

“Puwede namang solusyon sa problema kung si Aqauino o Garin ang mga kasalanan, eh ‘di tahimik nila imbestigahan at kung may ebidensiya saka nila ilabas,” dagdag pa niya.

Nauna namang hinimok ni Senador JV Ejercito si dating Pangulong Noynoy Aquino na magsalita kaugnay ng pakikipag-usap niya noon sa kumpanyang Sanofi Pasteur. Naiulat kasi sa ilang news organizations na dalawang beses nakipagpulong si Aquino sa mga opisyal ng kumpanya bago naisara ang deal.