LUSOT SA KOMITE | Impeachment complaint vs. CJ Sereno, may probable cause – House committee

5 months ago

QUEZON CITY, Philippines (March 8, 2018) – Sa botong 38-2, pinaboran ng House Justice Committee na may probable cause ang impeachment complaint ni Attorney Larry Gadon laban kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Kasunod ng botohan, inatasan ang lahat ng vice chairman ng komite na buuin na ang committee report at ang articles of impeachment na siyang iaakyat sa House plenary para pagbotohan ng lahat ng kongresista.

28822740_10215848334990085_217669201_o

28877037_10215848335430096_1825704473_o

28876932_10215848335150089_28146136_o

VIA NEWS5’S ZONY ESGUERRA | Botohan ng House Justice Committe sa impeachment complaint laban kay Chief Justice Sereno.

Binigyan ng hanggang March 14 ang mga vice chairman ng House Justice Committee para tapusin at iprisenta ang draft ng kanilang report.

Bago ang botohan ngayong araw, nagdaos ng 18 pagdinig ang komite para suriin ang higit 20 grounds for impeachment na inihain ni Gadon laban kay Sereno.

Sa sesyon bago ang botohan kanina, pinuna ni House Majority Leader Rodolfo Fariñas ang aniya’y pambabale-wala ni Sereno sa pagkakataong ibinigay sa kanya na ipinagkait noon kay dating Chief Justice Renato Corona.

Hindi rin nagustuhan ni Fariñas na pinagmamadali ng punong mahistrado ang Kamara na iakyat na sa Senado ang impeachment complaint.

“The Chief Justice was given every opportunity to explain herself. Kaya lang baliktad, respondente pa nagsasabi na i-file na iyan. Don’t tell us what to do. Respondente ka, hindi ka naman Chief Justice rito,” sabi ni Fariñas sa pulong kanina ng komite.

“Minamaliit at nanghahamon pa [siya]. Hayaan mo kaming gawin namin kailangan gawin,” dagdag pa ng kongresista.

Nauna nang sinabi kahapon ni House Speaker Pantaleon Alvarez na sakaling makapaghain nga ng articles of impeachment ang House Justice Committee ay posibleng sa pagbabalik-sesyon na sa May 14 ito pagbotohan sa plenaryo.

Gusto kasi ni Alvarez na hintayin muna ang kahihinatnan ng quo warranto petition ni Solicitor General Jose Calida sa Korte Suprema.

Sa March 24 ang huling araw ng sesyon ng Kongreso bago ang kanilang break.