‘MANLABAN SA EJK’ | Mga abugado, bumuo ng grupong tumutuligsa sa EJK kaugnay ng war on drugs

1 year ago

MANILA, Philippines – Nagsama-sama ang grupo ng mga abugado, propesor at law students para buuin ang grupong “Manlaban sa EJK” o Manananggol Laban sa Extra Judicial Killings (EJK).

Sa tala ng grupo, aabot na sa halos 12,000 ang bilang ng mga hinihinalang biktima ng EJK sa bansa mula nang maupo si Pangulong Rodrigo Duterte noong nakaraang taon. Kaya panawagan nila, matigil na ito at hayaang magbago pa o harapin sa kulungan ng mga itinuturing na lulong sa ilIgal na droga ang kanilang parusa.

manlaban-2

“The country has been experiencing a spate of extrajudicial killings in the midst of President Duterte’s war against drugs. The casualties since he took office last year has reportedly reach at least 12,000, most of them coming from poor communities, sabi ni dating Ateneo School of Government Dean Tony La Viña, Convenor ng Manlaban sa EJK.

Ang iba pang mga convenor ng nasabing grupo ay sina dating Senador Rene Saguisag, dating Rep.Lorenzo Tañada III, dating Rep. Neri Colmenares, Atty. Minerva Ambrosio, Professor Victoria Avena, Atty. Roberto Eugenio Cadiz, De La Salle University College of Law Dean Jose Manuel Diokno, Pamantasan ng Lunsod ng Maynila College of Law Dean Ernesto Maceda Jr., Atty. Rachel Pastores, Professor Roberto Rafael Pulido, Atty. Evalyn Ursua at Quezon City Judge Cleto Villacorta III.

manlaban-5

Nilinaw nila na walang halong pulitika ang binuong grupo. Nakahanda na rin daw sila sa mga kritikong pupuna sa kanilang hakbang.

“Strategy talaga nila ‘yan eh, they would like to make it appear na any criticism to government is not good at dahil gusto nilang ipakita na galing sa isang panig lang yan, eh lahat ‘yan masama. It should not be the color, but the message to look at,” sabi ni Tañada.

Layon ng grupo na maipalaganap lalo sa kabataan ang kampanya kontra EJK at matulungan din ang mga mabibiktima nito.

Dumalo rin sa pagtitipon ang mga kaanak ng mga biktima na sumisigaw ng hustisya.

“Magresign na ang presidente, dahil hindi siya nararapat para sa posisyon na ito.  Napakaberdugo! Ang ginagawa niyang ito ay hindi talaga makatao, at lumalakas ang loob ng hanay ng kapulisan dahil they’re gonna be free from law suit,” sabi ni Niks Bisuña, kapatid ng isa sa mga biktima.

Wala namang nakikitang masama si Acting Presidential Spokesperson Harry Roque sa pagtatayo ng grupong Manlaban sa EJK.

Ayon kay Roque, malinaw naman sa batas na kailangan din munang patunayan ito.

Gayunman, mismong ang pangulo na rin naman daw ang nagpaliwanag sa kaniyang posisyon na hindi kukunsintihin ng kaniyang administrasyon ang walang habas na pagpatay.

“He will not tolerate murders. He will only tolerate killings when it is in line with duty and when the engagement is legal and he had, in fact, asked that the police officers involved in the Kian killing be arrested by General Bato,” sabi ni Roque.

manlaban-1

manlaban-3