MATINDING PAGBAHA | Ilang lalawigan sa Bicol Region, lubog sa baha; Negros Occidental, planong magdeklara ng state of calamity

9 months ago

MANILA, Philippines – Nakararanas ng matinding pagbaha hanggang ngayon ang Camarines Sur, Catanduanes at Negros Occidental na nagsimula pa noong Huwebes dahil sa tuluy-tuloy na pagbuhos ng ulan na dulot ng tail-end of cold front at northeast monsoon.

camsur-baha-2

Sinuspindi na rin ang klase sa buong lalawigan ng Camarines Sur mula pa kahapon (Biyernes).

Ayon kay Office of the Civel Defense-Bicol Director Claudio Yucot, ang San Roque, San Isidro, San Antonio, San Jose at Sto. Domingo sa Bombon; San Roque, Himagtocon, Sta. Maria, Burabod, Binanuahan, Loho, Gubat at East Coastal sa Lagonoy; San Francisco at Tarosanan in Camaligan, at Sta. Lucia, San Juan, San Isidro, Monserrat and Sto. Tomas sa Magarao ay ang mga barangay na binaha dahil sa walang tigil na pag-ulan.

Dagdag pa ni Yucot, sinira din ng baha ang ilang palayan at at hindi madaanan ang ilang kalye dahil lubog pa rin ang mga ito. Wala na rin daw kuryente ang sa bayan ng Garchitorena at Barangay Bikal sa Libmanan.

Dahil na rin daw sa malakas na buhos ng ulan, nagkaroon ng landslides sa ilang barangay sa Viga at Bagamanoc sa Catanduanes.

Sa Negros Occidental naman, nasa 3,000 pamilya na raw ang apektado ng pagbaha sa 17 barangay, ayon kay Victorias Mayor Francis Frederick Palanca. Sinuspindi na rin daw niya ang klase sa buong lungsod.

Dagdag pa ni Palanca, tinitignan ng city council ang pagdedeklara ng state of calamity sa lungsod dahil sa malaking pinsala na idinulot ng pagbaha.

camsur-baha-1

Samantala, nagbabalang muli ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa mga nakatira sa MIMAROPA at Bicol regions hanggang sa ilang mga lugar sa Visayas at Mindanao tungkol pagbaha at landslides na maaring idulot pa rin ng pag-ulan dahil tail-end of cold front.

Dagdag pa ng PAGASA, maulap na papawirin at kalat-kalat na pag-ulan naman ngayong araw ang asahan sa Luzon kabilang na ang Metro Manila.

Payo rin nila sa mga bibyaheng barko at bangka sa Luzon at Silangan at Kanlurang Visayas ay ipagpaliban na muna dahil sa malalakas na alon.