NABARIL, KINASUHAN | Live-in partner ng babaeng ‘di umabot sa ospital dahil sa pamamaril ng mga pulis at tanod, sinampahan ng homicide

11 months ago

Kinasuhan ng homicide ang live-in partner ng babaeng namatay matapos ang maling pamamaril ng mga otoridad sa Wack Wack, Mandaluyong noong December 28, 2017.

Ayon kay Police Director Oscar Albayalde, Regional Director ng National Capital Region Police Office, lumalabas na posibleng nabaril ni Eliseo Aluad ang kinakasama niyang si Jonalyn Ambaan na umawat sa gulo sa pagitan ng grupo ni Aluad at ng isa pang grupo noong gabing iyon.

Pareho raw kasing may baril ang magkabilang panig.

albayalde

NEWS5 CREW | Ambush interview kay P/Dir. Oscar Albayalde, NCRPO Regional Director, sa Taguig kahapon.

“Lumalabas na doon siya tinamaan, in the process, sa ulo,” sabi ni Albayalde sa isang event ng NCRPO sa Camp Bagong Diwa sa Taguig kahapon.

“Walang firearm at shell na na-recover. Isang slug lang ang na-recover doon [sa unang crime scene]. Ite-test natin iyong slug kung iyon talaga ang tumama kay Jonalyn.”

Dagdag pa ni Albayalde, base sa autopsy, ang tama ni Ambaan sa ulo ang kanyang ikinamatay.

“Bakit kino-contest iyong findings na nag-positive siya sa powder burns? Ang account ng mga witnesses ay hinawakan niya [Ambaan] iyong baril. Sinusuway niya iyong kanyang boyfriend dahil nakikipag-away, bumunot ng baril. And in the process, siya ang tinamaan,” paliwanag ni Albayalde.

Noong gabi ng December 28, 2017, hinabol at pinagbabaril ng mga tanod at pulis ang isang sasakyan na papunta sana sa ospital para isugod si Ambaan na sugatan sa naunang pamamaril.

Dalawa ang patay habang dalawa pa ang sugatan sa pag-atake ng mga otoridad.

Kasama si Aluad sa dalawang sugatan matapos pagbabarilin ng mga pulis at sundalo ang kanilang sasakyan.

Nauna nang nakasuhan ang 10 pulis at tatlong tanod na sangkot sa insidente.