NABAWASAN | Bilang ng mga pamilyang nakararanas ng gutom, bumaba – SWS

10 months ago

MANILA, Philippines (April 30, 2018) – Bumaba ang bilang ng mga pamilyang nakararanas ng gutom ayon sa pinakabagong hunger survey ng Social Weather Stations.

Sa survey na isinagawa noong March 2018 sa higit 1,200 respondents, nasa 9.9 percent o katumbas ng 2.3 million na pamilya ang nakararanas ng ‘di bababa sa isang beses sa loob ng tatlong buwan dahil wala silang makain.

Mula sa bilang na iyan, 8.6 percent ng respondents o nasa dalawang milyong pamilya ang nakaranas ng moderate hunger o katamtamang gutom. Ibig sabihin, ang mga sumagot nito ay nakaranas ng gutom ng isang beses o kaya ay paminsan-minsan.

Habang may 1.3 percent o katumbas ng 306,000 pamilya ang sumagot ng severe hunger o malalang gutom. Ibig sabihin, ang mga sumagot nito ay madalas o ‘di kaya ay palaging nakararanas ng gutom.

Sa kabuuan, mas mababa ang hunger incidence na naitala noong nakaraang buwan ng six percentage points kung kumpara sa 15.9 percent o tinatayang 3.6 million na pamilyang naitala noong December 2017.

sws-hunger-survey-april-30-2018

FROM THE SWS WEBSITE | Bahagi ng kanilang datos kaugnay ng naitalang hunger incidence sa bansa noong nakaraang buwan.

Ito ang ikalawang beses na nakapagtala ng single digit na hunger incidence ang SWS mula June 2004 o sa loob ng higit 13 taon. Ito rin ang ikalawang pinakamababang hunger incidence na naitala sa ilalim ng administrasyong Duterte.