NABUTASAN | Mahinang reklamo laban kina Kerwin Espinosa, isinisi ng DOJ sa PNP-CIDG

3 months ago

MANILA, Philippines (March 14, 2018) – Pinuna ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre ang pagkukulang ng Criminal Investigation and Detection Group ng Philippine National Police sa pagpapalakas ng reklamo laban sa hight 20 drug suspect, kabilang ang self-confessed drug lord na si Kerwin Espinosa at negosyanteng si Peter Lim.

Sa panayam sa Radyo5, sinabi ni Aguirre na kulang ang mga ebidensiyang iprinisenta sa DOJ prosecutors.

“Na-verify ko po na wala namang sinubmit na ebidensiya tungkol diyan sa pag-amin ni Kerwin,” sabi ng kalihim.

28833025_10155659441908051_2039734780_n

NEWS5 FILE PHOTOS | Kerwin Espinosa and Peter Lim.

“Hindi po obligasyon ng mga prosecutor na makinig sa Senate hearing. Kahit napakinggan pa nila iyan, dapat i-submit pa rin iyan ng complainant,” dagdag pa niya.

Kasabay nito, sinabi pa ni Aguirre na pwede pang palakasin ang reklamo ngayong may nakapila nang motion for reconsideration.

Iginiit din ni Aguirre na wala siyang alam sa naging desisyon ng DOJ prosecutors bago ito naisapubliko lalo’t may prosesong dinadaanan ang reklamo.

“Nagkaroon ng dalawang level ng investigation diyan. Level 1, sa baba po iyan. Nag-hear lahat ng kasong finile at iyan ay pinangunahan ng prosecutor general. Hindi po nakikialam ang Office of the Secretary,” sabi ni Aguirre.

“Hindi malalaman ng Office of the Secretary unless na ‘yung kasong iyan ay iappeal sa Office of the Secretary.”

Sa ngayon ay may nakahain nang petition for review para sa reklamo. Bukod pa ito sa automatic review na pwedeng gawin mismo ni Aguirre sa isang nakahaing reklamo.

Nanindigan din ang kalihim na hindi pa abswelto sina Espinosa, Lim at ang 20 pang drug suspect na nadidiin sa reklamo.

Samantala, kinuwestiyon na rin ng PNP-CIDG ang naging desisyon ng DOJ prosecutors sa reklamo laban kina Espinosa. Tila hindi raw binigyang bigat ang mismong pag-amin ng ilan sa mga suspek.

Kasabay nito, nagpasalamat ang CIDG sa desisyon ng DOJ na bumuo ng bagong investigation panel na susuri sa reklamo at sa naunang desisyon dito.

Matatandaang kagabi ipinag-utos ni President Rodrigo Duterte ang pagbuo ng bagong panel matapos makarating sa kanya ang unang desisyon ng DOJ prosecutors.