NAGKAGIRIAN | Ilang militante at pulis, sugatan matapos magkainitan sa rally

1 week ago

MANILA, Philippines – Nauwi sa gulo ang paghaharap ng mga militanteng grupo at mga otoridad sa Maynila kanina.

Anim na pulis at 10 militante ang sugatan matapos magpang-abot sa isinigawang kilos protesta.

Nais sanang lumapit ng mga militante sa PICC kung saan ginaganap ang mga event ng ASEAN Summit pero hindi pinayagan ng mga otoridad.

Alas  9:30 ng umaga nang umusad ang libo-libong militante mula Liwasang Bonifacio patungong PICC.

Bida sa martsa ang 13-feet na effigy ni US President Donald Trump na may hawak na baril, nuclear, missile, backhoe at dollar purse. Nakakapit sa binti nito si Pangulong Rodrigo Duterte.

trump-effigy

Pagdating sa Taft Avenue, corner ng Padre Faura, pumuwesto na ang mga anti-riot police at hinarangan ang daan at saka nagkagirian.

Dito na napilitang gumamit ng water cannon ang mga otoridad.

rally-2

Bahagyang humupa ang tensyon nang umpisahan ng mga rallyista ang programa sa lugar.  Ayaw daw nila sa ASEAN lalo na’t mga kapitalista lang ang nakikinabang dito at hindi mga ordinaryong mga mamamayan.

“Nagtayo sila ng ASEAN Economic Community (AEC) para tanggalin ang taripa at taxes ng mga bansang katulad ng Pilipinas para malayang pumasok  ang produkto ng ibang bansa. ‘Yan ay liberalisasyon.  Maganda ba ‘yan sa atin? Hindi,” sabi ni Atty. Neri Colmenares, dating Bayan Muna representative.

“Lulumpuhin niya ang sektor ng agrikultura pag pumasok dito ang mga cheap na agricultural products, pagpumasok pa lalo rito ang mga murang bigas mula sa Vietnam, sibuyas, bawang, lulumpuhin ang mga magsasaka natin na hindi kayang mag-compete sa mga produktong ito,” dagdag pa niya.

Mainit din ang mga rallyita kay US. Pres. Trump na para sa kanila ay dapat nang i-ban sa Pilipinas.

“Siya ang pinaka-epal, pinakasalot. Siya ang pinakanaghahari at nananalot sa mundo ngayon.  ‘Yung US, hindi naman ‘yan dapat kasama sa ASEAN pero sumasali dahil gusto nilang pagsamantalahan ang ating bansa, pagtalunan nila ng China ‘yung Pilipinas para sa yaman, pagsasamantala sa bayan, pagpapapasok ng kanilang militar at gyera,” sabi ni Anakbayan Chairperson Vencer Crisostomo.

Tinapos ng mga rallyista ang kanilang programa sa pagsunog sa effigy ni Trump.

us-pres-effigy