‘PAKITANG-TAO’ | Pagsakay ni Roque sa MRT at LRT, binatikos

1 year ago

MANILA, Philippines – Kaliwa’t kanang batikos ang inabot ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa pagsakay niya kanina sa MRT-3 at LRT-1.

Piniling sumakay ni Roque sa MRT-3 North Avenue Station dakong 9:15 ng umaga. Mas mabuting lagpas rush hour na raw kaysa makaabala pa sa mas maraming pasahero.

mrt_roque-3

“Maski hindi siya rush hour umabot pa rin kami ng mga sampung minuto siguro sa pila so pag rush hour I could imagine mas malala ang kundisyon,” sabi ni Roque.

Bumaba si Roque sa Taft Avenue at tumawid sa LRT-1 patungong Central Station.

Sa kabila ng direktiba ng Department of Transportation na maging “normal ride” at walang VIP treatment, sinamahan pa rin ng mga security guard ang kalihim kaya mabilis siyang nakapasok sa istasyon.

Ang ilang mga netizen, nag-init ang ulo dahil dito.

May nagsabing nakakainsulto ang kumento ni Roque na hindi ganoon kasama ang naging karanasan niya sa pagsakay sa MRT at LRT.

tweet_insulting

tweet_dear-harry

Ang isang netizen, nagpost ng isang litrato ng “dramatization” daw ng mala-VIP treatment sa kalihim.

tweet_dramatization

Mayroon namang tinawag na pakitang-tao lang ang ginawa ni Roque.

tweet_pakitang-tao

Natanong naman ng isang netizen kung para saan ang pagsakay ni Roque sa MRT at LRT sabay patama na lumabas kasi ang pangalan niya na napipisil para sa senatorial lineup ng PDP-Laban.

tweet_pdp-laban

Mayroon namang nanggigil na at hinamon ang kalihim na samahan siyang sumakay ng MRT ng weekday, 7:30AM  sa Quezon Avenue Station nang walang bodyguard.

tweet_challenge

Tinawag naman ng alyansang Train Riders Network (TREN) na isang “royal MRT inspection” ang ginawa ni Roque.  Pasalamat na lang daw ang kalihim at ang DOTr na walang aberya o nakalas na bagon sa kanyang biyahe.

“Roque’s miserable PR stunt fooled no one except perhaps himself and his DOTr host. The Duterte-Tugade administration has only turned the MRT from bad to worse. Roque and the DOTr should thank their fate that the coach didn’t stall or didn’t get cut off,” pahayag ng TREN.

Paglilinaw ni Roque, hindi raw maituturing na PR stunt ang kanyang ginawa dahil dati na raw siyang sumasakay ng MRT.

“Tignan niyo ‘yung FB ko, dati na ako nag-e-mrt talaga pero ngayon importante talaga na magparating ng mensahe na nakikinig ang gobyerno ni President Duterte,” sabi ni Roque.

mrt_roque-2

Sa kanyang naging karanasan kaninang umaga, ipapayo niya sa Palasyo na “dapat talagang tutukan ang problema dito sa MRT dahil napapagana naman nang mabuti itong LRT. So dapat pare-pareho yung standard ng maintenance ng mga bagon para magkaroon ng bawas sa perwisyo.”

Sa huli, nangako naman ang kalihim na uulit siya sa pagsakay niya sa MRT, may kasama mang media o wala.

“I’ll do it more often, promise, with or without you,” sabi niya.