PANG-ENGGANYO SA CHA-CHA? | Tax exemption sa mga nasa gobyerno, kasama sa mga isinusulong ng charter change

5 months ago

Inamin ni ABS Partylist Representative Eugene de Vera na may probisyon ng tax exemption para sa mga mambabatas, opisyal ng gobyerno at ng mga mahistrado sa Joint Resolution No. 8 na nananawagan sa pagbuo ng constituent assembly para maisulong ang charter change.

Ayon kay de Vera na isa sa principal author ng resolusyon, ang layunin lang daw nito ay para mabawasan ang katiwalilan sa mga opisyal ng pamahalaan.

“Ang mangyayari kasi kapag nagcreate tayo ng regional government, parang magpapantay-pantay ang salary grade. Kaya kung makikita mo ‘yung proposal ko, pagdating sa regional governor, papantay na halos sa sweldo ng isang presidente,” sabi ni de Vera.

rep_eugene-de-vera

Pero para kay dating Bayan Muna Partylist Representative Neri Colmenares, ang proposal na ito ay layong i-“entice” o ma-engganyo ang mga opisyal ng gobyerno para suportahan ang isinusulong na charter change.

“’Yung cha-cha na ‘to, ina-anticipate nila may opposition.  Ang ginawa, maliban sa mga pino-floate nila na no election at term extention, namimigay pa sila ng enticement sa lahat,” sabi ni Colmenares.

“Lahat ng cha-cha noon, kahit si Arroyo, hindi humihingi ng legislative powers.  Ito lang.  Sa akin, worst cha-cha ito dahil sa mga features na ito na wala sa mga dating cha-cha,” dagdag pa niya.

atty_neri_colmenares

Tingin naman ni Senador Panfilo Lacson, gusto lang kumapit sa puwesto ng mga pangunahing nagsusulong nito sa pamamagitan ng term extension.

“Ang nakikita ko, ang delicadeza nila nawala. Kasi para sabihing may danger, ang danger ng pag-amend, the danger lies in the amendment to be introduced by those who will benefit,” sabi ni Lacson.

Una namang nanindigan si Pangulong Rodrigo Duterte na wala siyang balak na palawigin ang kanyang termino at nais pa rin isulong ang eleksyon sa susunod na taon.