PANGAKO VS. ENDO, MALABO NA? | Total ban sa kontraktwalisasyon, imposible hangga’t hindi naaamyendahan ang batas – Palasyo

3 months ago

APRIL 2, 2018 – Malabo nang matuldukan pa ang kontraktuwalisasyon sa Pilipinas sa pamamagitan lamang ng isang executive order (EO).

Ayon ‘yan mismo kay Senior Deputy Executive Secretary Menardo Guevarra. Aniya, kahit pa may tatlong draft ng EO na pinag-aaralan ngayon ang Malacañang laban sa contractualization ay hindi naman ito pwedeng basta ipatupad dahil hindi ito naaayon sa ating Labor Code.

“There’s a slim chance but not really on the substantive side of it. Baka it’s really more on the strictly enforcing the existing provisions of the law kasi nga hindi naman pwede i-alter ng executive order what the law provides,” sabi ni Guevarra.

Taliwas kasi sa mismong Labor Code ang gustong mangyari ng mga manggagawa na total ban on contractualization.  Nakasaad kasi mismo sa labor code na may mga exemption dito.

Ibig sabihin, pwede lamang baguhin ang mga probisyon sa ating labor code sa pamamagitan ng isa ring batas at hindi basta lamang EO.

Ang layunin kasi ng isang EO ay para linawin lamang o idetalye ang isang batas.  Hindi pwedeng magdagdag o magbawas ang EO ng probisyon sa isang batas.

Sabi ni Guevarra, ang magagawa lamang ng executive department ngayon ay pag-aralan ang mga draft EO at pagsama-samahin sa paraan na magbebenepisyo ang mga manggagawa.

Maliit daw ang tyansa na mag-isyu ng EO  kaugnay nito sa ngayon pero kung maglabas man, malamang ay halos wala raw itong pinag-iba sa nauna nang inisyu na executive order.

Ang posible lamang kasing maging laman ng EO na ito kung sakali ay ang mas istriktong pagpapatupad ng kasalukuyan na nating batas.

Sa ngayon ay ginagawan naman daw nila ng paraan ang EO na katanggap-tanggap din sa ating labor sector.

work

Wala pa naman daw sa puntong mayroon nang liaison para makipag-usap na sa ating mga mambabatas para amyendahan ang labor code.

Pero kung sakaling hindi pa rin matuwa ang labor sector sa ilalabas na bagong EO ay maaari na magkaroon ng konsultasyon ang ehekutibo sa kongreso.

Matatatandaang isa sa mga pangako ni Pangulong Rodrigo Duterte noong kampanya para sa May 2016 elections na tuldukan ang kontraktuwalisasyon sa bansa.

Nitong Pebrero naman, nagsabi ang pangulo na makikipag-kompromiso sa mga businessman. Hindi raw kasi maaaring ipilit sa mga negosyante na tuluyan itong ipatupad.