PCGG VS. BAUTISTA | PCGG, magsasagawa ng sariling imbestigasyon laban kay Bautista

4 months ago

MANILA, Philippines – Iniimbestigahan na rin ng Presidential Commission on Good Government (PCGG) ang mga alegasyon laban sa dati nitong chief at ngayo’y COMELEC Chairman na si Andres Bautista.

Ayon kay Justice Sec. Vitaliano Aguirre, nakausap na niya ang tatlong commissioner ng PCGG tungkol sa alegasyong may ghost employees, kumu-komisyon at may iba pang paglabag si Bautista noong ito ay chairman pa ng PCGG.

Ang PCGG ay nasa ilalim ng DOJ. Itinalaga si Bautista sa PCGG noong 2010 bago siya napunta sa COMELEC noong 2015.

comelec

Nagsumite na ng dokumento ang PCGG kay Aguirre. Laman nito ang mga posibleng paglabag ni Bautista sa anti-graft and corrupt practices act, pagtanggap ng komisyon mula sa referred cases at mga travel violations.

“Ito ‘yung possible violation of anti-graft, commissions on referred cases, possible ghost employees. Maraming mga possible travel violations not in accordance with the administrative procedures. We are still in the initial stage,” sabi ni Aguirre.

Pag-aaralan pa raw ito ng DOJ.  Inaasahang sa susunod na linggo ay magkakaroon na sila ng progress report.

“The PCGG also is conducting investigation on possible violations during the term of Chairman Bautista. I was talking to three commissioners. The Chairman Monsayac, Commissioners Rey Bulay and John Agbayani, nagbigay ng document but we are still studying it kaya by next week, baka magkaroon ng any report on that,” sabi ni Aguirre.

Magsasagawa rin ang PCGG ng sariling imbestigasyon tungkol kay Bautista.

“Yes because PCGG has also the power to conduct their own investigations,” sabi ni Aguirre.

Inatasan na rin ng DOJ ang National Bureau of Investigation (NBI) na pabuksan ang mga bank accounts ni Bautista sa Anti-Money Laundering Council (AMLC).  Kaugnay ito ng alegasyong naglimas umano siya ng ayon sa estranged wife nito na si Tisha.

baustista

Ayon kay Aguirre, iniimbestigahan nila ang posibleng paglabag ni Bautista sa Anti-Money Laundering Act (AMLA).

NBI lamang din aniya ang pwedeng magrequest na paimbestigahan ang bank accounts ni Bautista.

“The DOJ has no memorandum of agreement with AMLC. Only the NBI could request data information from AMLC,” sabi ni Aguirre.

nbi

Makabubuti rin naman aniya kung boluntaryong pabubuksan ni Bautista ang kanyang mga account.

Dagdag pa ni Aguirre, posibleng mapunta rin ang imbestigasyon sa alegasyong may bentahan ng desisyon sa COMELEC.

aguirre

Wala raw binigay na deadline si Aguirre sa NBI para tapusin ang imbestigasyon. Masalimuot daw kasi ang kaso dahil bukod sa personal, may mga legal angles pa.

“Hindi mo maaaring i-separate ang personal at professional. Intertwined ito,” sabi ni Aguirre.

Impeachable officer si Bautista kaya may immunity siya sa kaso maliban sa proseso ng impeachment.

Pero ayon kay Aguirre, pwede naman imbestigahan ang isang impeachable officer. ‘Yun nga lang, hindi siya pwedeng sampahan ng kaso habang nasa pwesto pa.  Masasampahan lamang daw ng kasong kriminal si Bautista kapag tapos na ang termino nito.

“The investigation could continue just like what Ombudsman did during former President Noynoy’s time. Hindi naman siya maaaring mademanda dahil impeachable officer siya. Because we are commanded to conduct investigation on possible violations of law, kahit matapos na o hindi pa ang investgation ng NBI o PCGG, pwedeng ituloy ‘yan. But we could not file a case,” sabi ni Aguirre.

Sakaling masampahan ng impeachment si Bautista, gagamiting ebidensya ang resulta ng imbestigasyon ng NBI.  Ngayon daw ay mas palalalimin pa nila ang imbestigasyon laban sa COMELEC Chief.