PHASEOUT | Lumang PUVs, tatanggalin na sa mga lansangan

2 months ago

Nilagdaan na ng Department of Transportation ang PUV Modernization Program at Omnibus Franchising Guidelines kung saan ima-mandato ang pagtatanggal ng mga lumang pampublikong sasakyan sa mga lansangan.

Sa pagpirma ng Department Order at Joint Memorandum Circular, pormal nang winakasan ang 14 na taong moratorium o pagbabawal sa pagbibigay ng mga bagong prangkisa sa pampublikong sasakyan na ibinaba ng LTFRB noong 2003.

jeep-2

Kailangan na raw ayusin ang mga prangkisa dahil dumami na ang kolorum at palala nang palala ang trapik sa lansangan.

Sa kasalukuyan, nasa 180,000 ang bilang ng mga jeep sa buong bansa.  Aabot naman sa mahigit 50,000 ang bilang ng mga taxi, habang 23,000 ang mga UV Express at 22,000 naman ang mga bus.

Ayon sa programa, ipatutupad ang modernisasyon ng mga jeepney, kung saan papalitan ng unit ang nasa 180,000 jeepneys sa buong bansa ng mas moderno, environment-friendly at makabagong sasakyan sa loob ng tatlong taon.

Magsasagawa rin ang lokal na pamahalaan ng transport plan para malaman kung aling mga ruta ang kulang ng pampublikong sasakyan.

Tatlong taon din ang transition at doon pa lang magdedesisyon ang Transportation Department sa pamamagitan ng LTFRB kung talagang dapat magbaba ng mga bagong prangkisa.

jeep

Ipapatupad na rin ang pagkakaroon ng kooperatiba para magsama-sama ang mga maliliit na jeepney operators.

Kung may kooperatiba raw, magiging swelduhan na ang mga tsuper ng jeep kaya hindi na kailangang mag-terminal ng mga ito sa kalsada o maghintay nang matagal para lang makakuha ng pasahero.

Ayon kay DOTr Asec. Mark de Leon, “Papalitan lang nila yung makina pero yung jeepney itself, the comfort, the convenience, the drivability ng driver, pero yung chassis niya the same pa rin, yung body niya the same pa rin, hindi yun holistic na gusto natin matransform yung jeepney natin.”

Pabor naman sa programa ang grupong Alliance of Concerned Transport Organizations (ACTO), “Dahil sa pinanghahawakan namin na may black and white kami, na walang phaseout kundi modernization. At saka gradual.” – Efren de Luna, ACTO National President

Pero tutol dito ang presidente ng Pinagkaisang Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide (PISTON) na si George San Mateo. Aniya, “Huwag ipatupad ang program na ito. Ang tawag nga namin dito, huwad na modernization program dahil ito ay pro-big business, anti-worker, at anti-commuter.”

Pakiusap naman ni Transportaion Secretary Arthur Tugade sa mga bumabatikos sa programa, “Naninikluhod ako sa kanila ng unawa. Bigyan nyo ng tsansa na magkaugat at lumipad itong programang ito. Hindi yung titiradurin natin habang lumilipad pa lang.  Ngayon, habang papaliparin natin, ipagpatuloy natin yung dayalogo.”

 

© 2017 TV5 NETWORK INC. ALL RIGHTS RESERVED.