‘PLASTIC NA, OPORTUNISTA PA’ | Mayor Inday Sara, may banat sa grupong Tindig Pilipinas

1 week ago

MANILA, Philippines –  Nagpost ng mga tirada sa kanyang Facebook account si Davao City Mayor Inday Sara Duterte. Ang kanyang puntirya, ang cause-oriented group na “Tindig Pilipinas”.

Tinawag niya ang grupo na “Hunger Games Pilipinas”.  Binubuo ito ng ibat-ibang organisasyon na nananawagang itigil na ang extrajudicial killings sa ilalim ng administrasyong Duterte.

Inilunsad ang grupo noong September 18.  Dinaluhan ito ng mga minority senators na sina Sen. Risa Hontiveros, Sen. Antonio Trillanes at Liberal Party President Sen. Kiko Pangilinan.

Sa FB post ni Mayor Inday Sara, inalala niya kung paanong nakiusap ang mga nabanggit na senador para tulungan sila noong nakaraang eleksyon. Una niyang binanatan si Sen. Pangilinan na may plano palang tumakbo sa pagka-presidente noon.

“Kiko Pangilinan, several years ago nagkita tayo dito sa Davao. Sa isang golf club, pinuntuhan mo si PRD. Gusto mo tumakbong Presidente, ansabe mo? “With Sharon’s endorsement and your (PRD) endorsement, I’m sure I can make it.” Dati pa-endorse ka sa kanya, ngayon may pa-hunger games salute effect ka,” sabi ni Inday Sara.

Tinira rin ni Mayor pati ang make-up ni Sen. Hontiveros sa event at inalala kung paanong nilapitan din siya noon ng senadora para tulungan sa boto sa Davao.

“Risa Hontiveros, sa picture ikaw ang pinakamakapal ang foundation acheng. Habang tinutulungan ko si PRD at ang nanay ko mangampanya, nasa byaheng Du30 ako, ilang beses mo ako inabala, kinulit at tinawagan para humingi ka ng tulong sa boto mo sa Davao City? I can remember your bored face listening to me in our law office just so you can get support for Davao,” sabi ni Mayor.

Sinabi rin ni mayor na mayroon siyang litrato na nakipagkita pa si Sen. Trillanes kay Pres. Duterte para humingi ng tulong sa kampanya para sa bise presidente.

tindig-pilipinas-2

Pinalagpas naman ni Mayor si Vice President Leni Robredo na dumalo sa isang misa ng Tindig Pilipinas.  Itinanggi kasi ng bise na bahagi siya ng grupo.

Lahat daw mga nabanggit niya ay personal knowledge at hindi tsismis.  May mga witness pa raw siyang puwedeng magpatunay nito.

“Matanong ko lang, nung mga panahon na humingi kayo ng tulong, may isyu ba kayo sa governance ni PRD? Wala. Ngayon na nanalo na siya? Meron. Hunger Games, Pilipinas: Plastic na, oportunista pa,” sabi ni Mayor Duterte.

Sinabi rin niyang kabisado niya ang pulitika at alam niyang mataas ang ambisyon ng mga nabanggit na senador.  Sigurado raw si Mayor Inday na hindi sila mananalo sa 2022 elections.

“Kayo 3 may ambisyon mag-presidente, I grew up in politics, mas matagal pa ako sa politika kaysa sa inyong 3 combined. I smell ambition a million miles away. Akala ninyo ‘yung circus ninyo ngayon magpapanalo sa inyo sa 2022? Hindi,” sabi ni Mayor Inday Sara.

Sa huli, nag-iwan ng tanong ang mayora.

“Ano ititindig niyo? Paninindigang Trapo. Mamuyboy ko? Yes. You don’t use PRD whenever convenient para sa pulitika ninyo. Kung wala ang boto ng Mindanao, mananalo kaya kayo?” dagdag pa niya.

© 2017 TV5 NETWORK INC. ALL RIGHTS RESERVED.