PLEASE STEP DOWN | Mga tauhan ng Korte Suprema, pinabababa sa puwesto si CJ Sereno

3 months ago

MANILA, Philippines (March 12, 2018) – Suot ang mga pulang t-shirt, nanawagan ang mga empleyado ng Korte Suprema para sa pagbibitiw sa puwesto ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa kanilang flag-raising ceremony ngayong umaga.

“Kami po ay nakikiusap sa inyo, mahal naming punong mahistrado, upang gawin na ang napapanahon at nararapat na pagsasakripisyo para sa ating hudikatura, ang institusyon na iyong pinaglaanan ng panahon at pagmamahal, para na rin po sa kapakanan ng buong Sambayanang Pilipino, na kayo po ay bumaba na sa puwesto,” sabi ni Supreme Court Employees Association (SCEA) President Erwin Ocson.

Kasama ng mga tauhan ng korte ang ilang mahistrado sa pagharap nila sa media para ipahayag ang kanilang saloobin sa isyung kinakaharap nila. Giit nila, nakakasira sa imahe ng korte at hudikatura ang mga alegasyong ibinabato sa punong mahistrado.

Bukod sa mga miyembro ng SCEA, kusa ring lumagda sa pahayag ang mga kinatawan ng Supreme Court Assembly of Lawyer Employees (SCALE), Philippine Association of Court Employees (PACE) at Sandiganbayan Employees Association (SEA).

“Pinabubulaanan po namin ang mga balita o statement sa pahayagan na kami po ay pinressure o inutusan na gumawa ng ganitong pahayag at mga pagkilos laban sa punong mahistrado.”

Samantala, nagtipon naman sa labas ng Korte Suprema ang ilang tagasuporta ni Sereno.

dydavlwuqaakxy6

dydavlxu8aiz_gy
NEWS5’S MON GUALVEZ | Grupong Pwersa ng Pamayanan para Voluntarismo at Reporma (PPVR), nagpakita ng suporta kay CJ Sereno sa labas ng SC

Kasalukuyan pa ring naka-indefinite leave si CJ Sereno habang naghahanda para sa posibleng pagharap niya sa senate impeachment tribunal. Noong nakaraang linggo lamang ay idineklarang may “probable cause” ng House Committee on Justice ang impeachment complaint laban sa kanya.

Bukod dito, nakabinbin pa rin sa Korte Suprema ang petisyong quo warranto na inihain ni Solicitor General Jose Calida na posibleng magpasawalang bisa ng pagkakatalaga sa punong mahistado.