QUO WARRANTO GRANTED | SC, pinawalang-bisa ang pagtalaga kay CJ Sereno, 8-6

3 months ago

MANILA, Philippines (May 11, 2018) – Sa botong 8-6, pinawalang-bisa ng Supreme Court ang pagkakatalaga kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Kabilang sa mga bumoto pabor sa quo warranto petition na inihain ni Solicitor-General Jose Calida ay sina Associate Justices Noel Tijam, Teresita de Castro, Diosdado Peralta, Lucas Bersamin, Francis Jardeleza, Samuel Martires, Andres Reyes, Jr., at Alexander Gesmundo.

Kumontra naman sa petisyon sina Senior Associate Justice Antonio Carpio at Associate Justices Presbitero Velasco, Jr., Mariano del Castillo, Marvic Leonen, Estela Perlas-Bernabe at Alfredo Caguioa.

Nag-ugat ang quo warranto petition sa limang buwang impeachment hearing ng House Justice Committee laban kay Sereno.

Kabilang sa mga nabusisi ng mga kongresista ay ang kulang umanong statement of assets, liabilities and net worth o SALN ng punong mahistrado sa Judicial and Bar Council.

Ito ang naging basehan ng paghahain ng quo warranto petition ng Office of the Solicitor-General laban kay Sereno.

Bagay na kinondena ng punong mahistrado dahil maituturing daw itong unconstitutional. Ayon kay Sereno, tanging sa impeachment lang siya pwedeng matanggal at ang iba pang impeachable official.

Itinuturing pa ni Sereno na panggigipit at pamumulitika ang nasabing petisyon laban sa kanya.

March 5, 2018 nang ihain ni Calida sa SC ang quo warranto petition. Tiyempo ito sa indefinite leave ni Sereno na naghahanda sana para sa pagsalang niya sa impeachment trial.