‘READY TO REPATRIATE’ | Embahada ng Pilipinas sa Syria, tutulong sa pagpapauwi ng mga Pilipinong naiipit sa kaguluhan

4 months ago

MANILA, Philippines (April 22, 2018) – Handa raw ang Philippine Embassy sa Syria na tumulong sa pagpapauwi Pilipinong hihingi ng tulong dahil sa pagkaipit sa nangyayaring bakbakan sa Syria.

sria-strikes-back-syria-tv-via-reuters-tv

Inilabas ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang nasabing statement kasunod ng pagbomba ng Syrian military sa huling stronghold ng Islamic militants sa Damascus.

Nakipagpulong na rin daw si Chargé d’affaires Alex Lamadrid ng Philippine embassy sa Syria sa mga embassy officials para i-assess ang pinakahuling opensiba laban sa mga rebelde.

“Syrian army bombardment and the retaliatory mortar fire could be heard at the embassy, which is seven kilometers away from the nearest point of fighting,” pahayag ni DFA Assistant Secretary Elmer Cato.

“Chargé d’affaires Lamadrid told members of the Filipino community that the embassy is ready to repatriate any of them who may want to leave Syria for the Philippines,” dagdag pa niya.

Nakapailalim ngayon ang Syria sa crisis Alert Level 4 at ang deployment ban ay ipinatupad ng gobyerno ng Pilipinas noon pang magsimula ang civil war sa nasabing bansa noong 2011.

Samantala, nasa 1,000 Pilipino hanggang ngayon ang nasa Syria, ang iba ay duon na nakapag-asawa at nanirahan, ang iba naman ay para magtrabaho.

Matatandaang noong nakaraang linggo, nagsanib puwersa ang Estados Unidos, United Kingdom at France sa paglulunsad ng military air strikes laban sa Syria bilang tugon sa nangyaring pag-atake sa Damascus gamit ang nakalalasong gas na kumitil ng dose-dosenang tao.

Sa huling ulat ng DFA, sinabi nitong wala pang naitatala o napapabalitang Pilipinong nasaktan sa nangyayaring gulo ngayon sa Syria.