SAGLIT LANG SA PUWESTO | AFP Chief Guerrero, nakalusot sa CA; pero retirement niya, nakatakda na sa Dec. 17

1 week ago

Mabilis na pumasa sa Commission on Appointments si Armed Forces of the Philippines Chief of Staff General Rey Leonardo Guerrero.

‘Yun nga lang, mula bukas ay mayroon na lamang siyang 11 araw sa puwesto dahil magreretiro na siya sa December 17. Sang-ayon kasi sa batas, kailangang magretiro ng mga sundalo o opisyal ng AFP na tutungtong sa edad na 56-anyos.

guerrero

VIA NEWS5’S MAEANNE LOS BAÑOS | AFP Chief of Staff Rey Leonardo Guerrero sa pagharap niya sa Commission on Appointments.

Aminado si Guerrero na ang tanging magagawa niya sa nalalabing panahon ng kanyang termino ay ipatupad ang mga plano at programa ng AFP na kanyang inabutan.

Dahil sa sitwasyon ni Guerrero, gusto ni San Juan City Representative Ronaldo Zamora na repasuhin ang nasabing batas na sakop din maging ang Philippine National Police.

Paglilinaw ni Zamora, hindi siya tutol sa appointment ni Guerrero.

“But that does not excuse us from revisiting the whole policy of, first, how we retire so readily and so cavalierly people who are in the prime of their lives? The Chief of Staff will be retiring simply because he reaches 56.”

Dagdag pa ni Zamora, hindi maituturing na matanda ang 56 para magretiro ang isang tao.

“Why are we retiring somebody as senior, as experienced as our new AFP Chief of Staff?” tanong pa ni Zamora.

Pabor naman kay Zamora si Senator Panfilo Lacson.

24824235_805380882980092_828369087_n

VIA NEWS5’S MAEANNE LOS BAÑOS | Senator Panfilo Lacson at San Juan City Representative Ronaldo Zamora sa pagdinig ng Commission on Appointments.

“Yes, we are willing to revisit the law covering the retirement of not only the Chief of Staff but the other officers of the Armed Forces as well,” sabi ni Lacson.

Sa kabilang banda, may kapangyarihan si President Rodrigo Duterte na i-extend o palawigin ang termino ni Guerrero kung kanyang gugustuhin.

October 25 nang italaga ng Pangulo si Guerrero bilang kapalit ni dating AFP Chief of Staff at ngayo’y Interior Undersecretary Eduardo Año.