STATE OF CALAMITY | Bagyong Maring, nag-iwan ng halos P20-M pinsala sa Laguna

1 week ago

MANILA, Philippines – Isinailalim na sa state of calamity ang probinsya ng Laguna matapos manalasa ng bagyong Maring.

Ayon sa inisyal na ulat ng Laguna Action Center, tinatayang aabot sa mahigit P6.7 million ang nawasak sa agrikultura at mahigit P12 million naman sa imprastraktura.  Nasa 1,600 na pamilya naman ang mga inilikas sa mga evacuation center.

Ilang insidete rin ng landslide ang naitala.  Nawawala pa rin ang pitong katao mula sa Barangay Looc sa Calamba City.  Hinihinalang tinangay ng malaking agos ng tubig sina Aries Mendoza (41-anyos), Eden Lacdao (28-anyos), Eureka Monge (5-anyos), Francen Jane Monge (5-anyos), Edward Mendoza, (4-anyos), Aries Mendoza Jr. (2-anyos) at isang Eufracio Monge (1-anyos) na pawang mga residente ng nasabing lugar.

Samantala, naiulat namang dead on arrival matapos tamaan ng kidlat ang isang 45-anyos na miyembro ng CAFGU-CAA na si Julio Cuatro ng Brgy. Bagumbayan, San Pablo City.

Mismong si Laguna Governor Ramil Hernandez ang nagpatawag ng emergency session kahapon ng umaga kasama ang buong miyembro ng Sangguniang Panlalawigan kaugnay ng pagpapasa ng state of calamity sa probinsya.

Maaari nang gamitin ng LGU ang calamity funds at i-freeze ang presyo ng mga pangunahing bilihin.

 

© 2017 TV5 NETWORK INC. ALL RIGHTS RESERVED.