‘STAY IN THEIR HOMES’ | Mga Pilipinong nasa Syria, pinayuhang mamalagi sa loob ng kanilang bahay dahil sa air strikes na isinasagawa ng US, UK at France

8 months ago

MANILA, Philippines (April 15, 2018) – Pinapayuhan ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang nasa mahigit 1,000 Pinoy na naninirahan at nagtatrabaho sa Syria na manatili sa kanilang bahay para na rin sa kanilang kaligtasan. Ito ay matapos ang ginawang pambobomba kahapon ng US, UK at France sa mga military target sa Damascus.

kuwait-ofw-3-640x360

Ayon kay DFA Assistant Secretary Emil Cato, sinabi pa ng embahada ng Pilipinas sa Damascus na maghintay ang mga Pinoy na nasa Syria sa pinakabagong advisory bilang update sa mga pangyayari.

Dagdag pa ni Cato, patuloy na mino-monitor ng DFA ang sitwasyon sa Syria matapos ang nasabing pag-atake.

“The Department of Foreign Affairs is monitoring the situation in Syria in the wake of the missile strikes against various targets in Damascus and other areas. The Embassy has issued an advisory requesting our kababayans to stay in their homes until further advice,” sabi ni Cato.

Ayon pa sa DFA, walang naiulat o naitalang namatay na Pilipino sa nangyaring pag-atake sa mga pasilidad ng militar sa Damascus. Wala pa rin daw  natatanggap na request ang embahada mula sa mga Pinoy duon na humihingi ng tulong.

Sa tala, mahigit sa 500 Pinoy ang nasa Damascus at nasa 500 naman sa iba pang bahagi ng Syria.

Kahapon, nagsagawa ng military air strikes ang United States of America, United Kingdom at France laban sa Syria bilang tugon o parusa kay Syrian President Bashar al-Assad para sa umano’y chemical attack na nangyari malapit sa Damascus na pumatay sa nasa 40 katao.