SURRENDERED | 5 miyembro ng NPA na nangongolekta umano ng ‘protection money’, sumuko na sa mga militar

6 months ago

MAGUINDANAO, Philippines – Sumuko ang limang miyembro ng New People’s Army (NPA) sa mga militar kahapon. Napag-alaman na sila ang ilan sa miyembro na nangongolekta umano ng “protection money” mula sa mga mangangalakal.

npa-1

Ayon sa otoridad, napagdesisyunan ng mga rebelde na sumuko dahil gusto nilang makuha at sumailalim sa amnesty program ng gobyerno para sa mga miyembro ng NPA. Sila ay sumuko sa Philippine Army (PA) 1st Mechanized Infantry Battalion na nakabase sa Ampatuan town na nasa ikalawang distrito ng Maguindanao.

Ang mga sumuko ay kinilalang sina Sing Maguil, Daniel Fonok, Panni Sina, Marvin Ginang and Taan Ayunan ng Guerrilla Front 73 ng NPA.

Isinuko rin nila ang ilang mga baril at improvised explosive devices (IED) na umano’y ginagamit nila sa mga establisyemento na tatangging magbayad sa kanila kada buwan.

Naiulat na noong Enero 9 ay kumalas ang lima sa grupo at nagpadala ng surrender feelers kay Lt. Col. Lauro Oliveros, ang commanding officer ng 1st Mechanized Infantry Battalion.

Matatandaang mahigit 80 miyembro ng NPA ang sumuko noong nakaraang taon kay Lt. Col. Harold Cabunoc ng 33rd Infantry Battalion ng Philippine Army na nakabase naman sa Sultan Kudarat.