SUSPENDIDO | Pagtanggap at pagproseso ng mga bagong application ng overseas employment certificates ng mga OFW, pinatigil muna ng DOLE

1 month ago

Sinuspinde ng Department of Labor and Employment ang pagtanggap at pagproseso ng mga bagong application ng overseas employment certificates ng mga OFW.

Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, ang hakbang ay kasunod ng mga report ng illegal activities sa pagpapadala ng mga OFW.

“We are taking this important actions in view of persistent reports of illegal recruitment activities, including direct hires, to protect the public,” sabi ni Bello sa isang press conference sa kanilang opisina sa Intramuros, Manila ngayong umaga.

dole

VIA NEWS5’S DALE DE VERA | Kaliwa: kopya ng Department Order na nagsususpinde sa pagtanggap ng mga bagong application para sa overseas employment certificates; kanan: Labor Secretary Silvestre Bello III habang pinipirmahan ang Department Order

Epektibo ang suspension order mula Lunes, November 13 hanggang December 1. Ipapatupad ito ng Philippine Overseas Employment Administration sa lahat ng land-based recruitment agencies.

Paglilinaw naman ng DOLE, hindi damay sa utos ang mga kinuhang magtrabaho para sa international organizations, diplomatic corps, royal families at sea-based agencies. Hindi rin damay ang mga tinatawag na “balik-manggagawa” o ‘yung mga OFW na nagbakasyon lang sa Pilipinas at babalik sa kanilang trabaho abroad. Pero dapat ay parehong trabaho pa rin ang kanilang babalikan.

poea_ortigas

Sa tala ng DOLE, nasa 5,000 bagong application ng overseas employment certificates ang kanilang pinoproseso kada araw. Kaya tinatayang papalo sa 75,000 applications ang maaapektuhan ng suspension order.

Nakatakdang bumuo ng team ang Labor Department na siyang mag-iimbestiga sa anomalya. Inaasahanan namang makakapagbigay ito ng rekomendasyon sa loob ng 15 araw.

Magsasagawa rin ng balasahan sa mga empleyado ng POEA bilang bahagi ng internal cleansing sa ahensiya.