“THERE WAS NO EXCUSE” | VP Robredo, nag-sorry kaugnay ng kontrobersyal na group photo sa holocaust memorial

3 months ago

PASAY, Philippines (April 17, 2018) – Humingi ng dispensa si Vice President Leni Robredo kasunod ng kontrobersiyal niyang group photo kasama ang ilang kapartido sa holocaust memorial sa Germany.

Sa panamay sa media sa isang forum sa Pasay, sinang-ayunan ni Robredo ang mga bumatikos sa litrato.

Sa nasabing larawan kasi na ipinost ni Ifugao Representative Teddy Baguilat, Jr. sa Twitter, makikita si Robredo at ilang kasama sa Liberal Party na nakangiti habang nasa monumento para sa mga biktima ng genocide o malawakang pagpatay sa ilalim ng Nazi Germany.

“They have a point. In fact, gusto kong mag-apologize for offending the sensibilities of others,” panimula ni Robredo.

“There was no excuse. While there was no malice in it, ano pa din, I take full responsibility. Kaya I would like to apologize for whatever offense to the sensitivities of the people it caused,” dagdag pa ng Bise Presidente.

Kasama sa larawan sina LP President Senator Francis Pangilinan, Quezon City Representative Jose Christopher Belmonte, Dinagat Islands Representative Kaka Bag-ao, Marikina Representative Miro Quimbo at dating Budget Secretary Butch Abad.

robredo-germany-holocaust

SCREENSHOT FROM SOCIAL MEDIA | Litrato na pinost ni Baguilat sa Twitter tampok si VP Robredo at iba pang miyembro ng Liberal Party sa holocaust memorial sa Germany.

Sa ngayon ay binura na ni Baguilat ang nasabing Twitter post.

Nag-post din siya ng isa pang tweet na humihingi rin ng paumanhin.

“I took down the tweet immediately so as not to hurt sensibilities,” sabi sa isang bahagi ng tweet ng kongresista.

Ayon pa kay Baguilat, nasa Germany sila para sa isang study trip na ginastusan ng isang foundation doon.