TINORTURE BAGO PINATAY | 19-anyos at dating estudyante ng UP na si Carl Angelo Arnaiz, natagpuan sa morge

1 year ago

MANILA, Philippines – Tinorture bago pinatay ang 19-anyos at dating estudyante ng Unibersidad ng Pilipinas na si Carl Angelo Arnaiz na umano’y nangholdap ng taxi driver sa Caloocan City, base sa resulta ng otopsiya ng Public Attorney’s Office forensic laboratory services.

arnaiz3

Sampung araw na raw nawawala ang binatilyong si Arnaiz na taga-Cainta. Huli siyang nakita noong Agosto 17, 2017 at matapos ang sampung araw ay natagpuan ang kanyang katawan sa isang morge sa Caloocan City.

Sa panayam kay Dr. Erwin Erfe, ang lumabas na resulta sa post-mortem analysis na kanilang isinagawa kahapon, Linggo, Setyembre 3, 2017, si Arnaiz ay binugbog at todong pinahirapan bago binaril.

efre

Dagdag pa ni Dr. Erfe, lumalabas na si Arnaiz ay kinaladkad, binugbog at pinosasan dahil ang mga sugat at pasa niya ay malalim, at namamaga ang mga mata nito dahil sa pasa. Limang beses din daw binaril si Arnaiz ayon sa resulta. Apat na beses siyang binaril sa parteng dibdib at isang beses naman sa kanang braso.

“Malalalim ‘yong gasgas niya, kinaladkad siya, binugbog, magang-maga ang mga mata. Meron din kaming nakitang marka na siya ay pinosasan. Maraming marka ng posas sa kanan,” sabi ni Dr. Erfe.

Sa ulat naman ng pulisya, nangholdap umano si Arnaiz nang sinakyang taxi sa C-3, Caloocan. Nakahingi raw ng tulong ang drayber at nang huhulihin naraw si Arnaiz ay agad itong nanlaban. Nakipagpalitan umano ng putok si Arnaiz kina PO1 Jefrey Perez at PO1 Ricky Arquilita.

Giit ng mga magulang ni Arnaiz, hindi holdaper ang kanilang anak. Nagtapos umano ito bilang valedictorian sa elementarya, grumaduate sa isang Science High School, at nakapag-aral pa sa UP Diliman.

Ayon pa sa resulta ng post-mortem analysis, wala raw umanong indikasyon na nagpaputok ng baril si Arnaiz. Dahil batay sa trajectory ng bala, maaaring nakaluhod o nakahiga na siya nang barilin.

Napatay si Carl Angelo Arnaiz dalawang araw matapos mapatay sa operasyon ng Caloocan police si Kian delos Santos.

Samantala, kinondena naman ng League of Filipino Students (LFS) ang pagkamatay ni Carl Angelo Arnaiz.

“Another life has been claimed by the police. Like Kian delos Santos, another student has been subjected to violence, and has been executed by the same people who have promised to serve the people. It is crystal clear that the Philippine National Police-and all other state forces-did not exist to protect us, but to subdue us. They operate under the dictates of their generals and commanders-in-chief blindly, not promoting order, but [tanim/imposing] terror,” ayon kay National Spokesperson JP Rosos.