TRANSPORT RALLY | Grupong PISTON at NTJPOC, magsasagawa bukas ng malaking rally kontra jeepney phaseout at TRAIN Tax Law

9 months ago

MANILA, Philippines (February 18, 2018) – Ikakasa bukas, Pebrero 19, Lunes, ng grupong Pinagkaisahang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) at No To Jeepney Phase Out Coalition (NTJPOC) ang isang malaking transport rally.

piston

Ayon kay PISTON President George San Mateo, magsisimula ang rally eksaktong alas dose ng tanghali sa Welcome Rotonda at magmamartsta patungong Mendiola.

“Ito ay para singilin at panagutin si [Pangulong] Duterte sa grabeng atake at pangwawasak nito sa kabuhayan ng mga driver, maliliit na operator at mamamayan dulot ng jeepney phase out at TRAIN Tax Law,” sabi ni San Mateo.

jeep

Matatandang noong Hunyo 2017, nilagdaan ng Department of Transportation ang PUV Modernization Program at Omnibus Franchising Guidelines kung saan ima-mandato ang pagtatanggal ng mga lumang pampublikong sasakyan sa mga lansangan.

Sa pagpirma ng Department Order at Joint Memorandum Circular, pormal nang winakasan ang 14 na taong moratorium o pagbabawal sa pagbibigay ng mga bagong prangkisa sa pampublikong sasakyan na ibinaba ng LTFRB noong 2003.

Ayon sa programa, ipatutupad ang modernisasyon ng mga jeepney, kung saan papalitan ng unit ang nasa 180,000 jeepneys sa buong bansa ng mas moderno, environment-friendly at makabagong sasakyan sa loob ng tatlong taon.