SANAY NANG TINATAKOT | Grupong Kadamay, hindi raw matitinag sa banta ni Pres. Duterte

1 year ago

MANILA, Philippines –  Hinamon ng grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap o Kadamay na harapin sila ni Pangulong Rodrigo Duterte upang maintindihan ang kanilang mga problema imbes na pagsalitaan sila ng mga banta.

Matatandaang kahapon ay binantaan ng pangulo ang grupo na huwag nang uulitin ang pag-okupa ng mga pabahay ng gobyerno, kundi ay ipababaril o babatutain ang mga ito.

duterte-on-kadamay

Nabanggit ng pangulo na tila nagrerebelde ang grupo at hindi sinusunod ang batas.  “Ito ngayon, mga Kadamay, itong mga Left, you are almost anarchists.  ‘Yung para sa inyo wala nang batas, basta’t na lang inaagaw ninyo kung – as if walang gobyerno, walang nagko-control,” sabi ni Duterte.

Ayon sa Chairperson ng Kadamay na si Gloria “Ka Bea” Arellano, hindi raw sila natatakot na muling mag-okupa ng mga pabahay kahit pa pwersahan daw silang paaalisin o pagbabarilin.  “Wala siyang programang pabahay, puro sa sundalo. Pero kami nasaan ang serbisyo para sa maralita?  Hindi niya kami kinakausap nang maayos. Puro siya pananakot, sanay na kami sa pananakot,” sabi ni Arellano.

Nakadidismayang wala raw aksyon ang administrasyon para sa kanilang mga maralita.  Dapat daw ang pagkukulang ng ahensyang National Housing Authority ang pinupuna niya.

“Nakakalungkot na nakakarining kami ng pang-aalipusta sa kanya, eh kami ay mahirap na mahirap na.  Ang aming kinuha ay 5,270 plus pa lang na unit eh ang nakatiwangwang diyan 100,000 libo pa.  Bakit hindi niya tinitignan ‘yun at hindi sinisita ang kahinaan ng ahensyang ito,” dagdag pa ni Arellano.

gloria-arellano-kadamay

Nitong Marso lang nang sumugod ang 200 pamilya mula sa grupong Kadamay sa Pandi, Bulacan at sapilitang inokupa ang mga pabahay ng NHA.   Protesta ng grupo, dapat daw ay mabigyan ng maayos at disenteng pabahay ang mga mahihirap.