WALANG KATOTOHANAN | AFP, hindi raw naglabas ng utos na magbibigay ng pabuya laban sa NPA

1 week ago

MANILA, Philippines – Itinanggi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na galing sa kanila ang utos na magbibigay ng P100,000 na pabuya sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon o makahuhuli sa mga miyembro ng New People’s Army (NPA).

Ayon kay AFP Spokesperson Brig. Gen. Restituto Padilla, wala silang kakayahan para pondohan ang pabuya. Gayunman, ikinatuwa nila ang inisyatibo ng lokal na pamahalaan para rito.

bgen-padilla

Paglilinaw naman ni Padilla, hindi dapat mabahala na mauuwi ito sa paglobo ng dami ng bounty hunters sa Mindanao.  Hindi naman daw kasi basta ibibigay ang pabuya sa mga nagbigay ng impormasyon nang hindi pa ito nabeberipika.

Tiniyak din niya na hindi problema ‘yung sinasabing baka mapagkamalan na rebelde ang ibang indibidwal para lamang makakuha ng pabuya. Hindi naman daw kasi sila basta na lang magsasagawa ng pag-aresto nang hindi pa nakukumpirma ang pagkakakilanlan ng isang indibidwal.

“Ang impormasyon naman po na nakakarating sa atin ay idinadaan sa proseso, hindi ho basta-basta ginagawa ang pag-aresto o pag-neutralize sa isang known criminal kapag hindi pa po naberipika na ito ‘yung talagang tao na pinagtutuunan natin ng pansin sa lugar na ‘yun,” sabi ni Padilla.

Kahapon ay kinondena ni Bayan Muna Representative Carlos Isagani Zarate ang nakarating sa kanilang anunsyo umano ni AFP Chief of Staff Eduardo Año na magbibigay ngP100,000 na pabuya sa bawat mapapatay o mahuhuling myembro ng New People’s Army (NPA).

“This is condemnable as it is gravely dangerous. It is tantamount to sanctioning murder for a fee and an open travesty of the rule of law,” sabi ni Zarate.

rep-zarate

Lalo lang daw kasi nitong patataasin ang nakaaalarmang bilang ng paglabag sa human rights ng mga otoridad.

Mas mabuting pagtuunan na lang daw ang peace negotiations ng magkabilang partido.  “The best approach for this is to push for the resumption of the peace negotiations and the signing and proper implementation of the agreements between the two parties,” sabi ni Zarate.

© 2017 TV5 NETWORK INC. ALL RIGHTS RESERVED.